Hiling na cremation ng yumaong aktor na si Eddie Garcia, sinunod na ng pamilya

Na-cremate na ang beteranong aktor na si Eddie Garcia, alas 11:00 kagabi.

Ayon kay 1-Pacman Party-list Representative Mikee Romero, stepson ni Garcia, ito ang hiling ng kanyang ama, ilang oras makalipas ang pagpanaw nito kahapon ng hapon.

Sa ngayon ay magkakaroon ng public viewing, June 21 hanggang sa Linggo June 23, alas 9:00 ng umaga sa Heritage sa Taguig City.


Nagpasalamat naman ang pamilya ni Garcia sa lahat ng nakikiramay na nagpapagaan sa kanilang pagluluksa.

Si Garcia ay pumanaw alas 4:55 ng hapon, kahapon sa edad na 90 makalipas ang ilang araw na pagiging comatose dahil sa severe cervical injury bunsod ng aksidente sa taping.

Halos pitong dekada na sa industriya si Garcia kung saan, pinakahuling mga pelikula niya ang “Hintayan ng Langit” at “Rainbow Sunset” at ang huling parangal nito ay bilang Best Actor sa 42nd Gawad Urian Awards.

Nagsimula ang showbiz career si Garcia matapos ang World War II kung kailan ang noon ay 21-anyos na dating Philippine Scouts member ay lumabas sa 1950s film na “Siete Infantes de Lara.”

Nakagawa ito ng 300 pelikula at mahigit 30 teleserye.

Mayroon siyang isang anak na nakabase sa ibang bansa, ito ay si Lisa Ortega habang naging pribado naman ang kanyang personal life.

Facebook Comments