Cauayan City, Isabela- Aprubado na ang naging kahilingan ng LGU Tuguegarao City para sumailalim sa General Community Quarantine (GCQ) simula 12:00 ngayong hatinggabi hanggang Pebrero 10.
Ito ay makaraang aprubahan ng Regional Inter Agency Task Force (RIATF)
Una nang nagpahayag ng pangamba ang Department of Health (DOH) region 2 dahil sa mataas pa rin na datos ng COVID-19 infection sa lungsod ngunit dumipensa naman ang Department of Trade and Industry para sa pag-apruba sa pagbabago ng quarantine status ng lungsod.
Sa isang pahayag, sinabi ng DTI na kailangan ng magbukas ng ilang sektor upang makapagpatuloy sa paghahanap-buhay at maibsan ang nararanasang hirap matapos mapasailalim sa Enhanced Community Quarantine (ECQ).
Sa Press Briefing, sinabi ni Mayor Jefferson Soriano ang muling pag-usad sa sektor ng transportasyon habang papayagan na ang pamamasada ng mga tricycle drivers subalit kakailanganing sundin ang ipatutupad na color coding at 20% ng kabuuang bilang ng mga tsuper ang bibiyahe kada araw.
Maari na rin ang paggamit ng pribadong tricycle upang gamitin na hatid-sundo sa mga kasama sa bahay gayundin ang backriding sa motor para sa mga mag-anak na nakatira sa iisang bahay.
Bukod dito, mananatili pa rin ang pagpapatupad sa curfew hour na magsisimula sa 10:00 ng gabi hanggang 4:00 ng umaga.
Dahil dito, sinabi rin ni Soriano na magagamit pa rin ang COVID SHIELD PASS sa mga residente subalit doble na ang gagawing paghihigpit upang matiyak na maiiwasan ang palagiang paglabas ng mga tao.
Sa kabila nito, ipatutupad pa rin ang Liquor Ban habang umiiral ang GCQ sa lungsod.
Samantala, nakiusap naman si Soriano na kung maaari ay 50% lang ng mga empleyado sa pamahalaan ang papasok sa mga opisina kahit na 75% ang orihinal na workforce base sa guidelines ng IATF.
Posible namang maglabas ng karagdagang guidelines ang LGU para pairalin ang pagsunod sa health protocol.