Kaliwat kanan ang natatanggap na hiling ngayon ng Philippine National Police (PNP) mula sa mga pulitiko para magkaroon ng police security detail.
Ito ang inihayag ni PNP Chief Police Director General Oscar Albayalde.
Aniya sa ngayon pinag-aaralan pa ng PNP kung pagbibigyan ang request ng ilang mga kandidato.
Importante aniya ito para malaman kung sino sa mga kandidato ang delikado o may banta sa kanilang buhay.
Kung maaprubahan naman ang request ng mga kandidato na magkaroon ng police escort nang hanggang 2, kailangang naka uniporme ang mga ito at sundin ang lahat ng patakaran.
Matatandaang ni-recall ng PNP ang nasa 457 police escorts ng mga local officials noong Linggo ang pagsisimula ng election period.
Layunin ng pagbawi sa mga police escort ay para hindi mabahiran ng pulitika ang mga pulis.
Tiniyak naman ni Albayalde na mananatiling non-partisan ang mga pulis.