Sa kanyang huling State of the Nation Address o SONA ngayon ay hiniling ni Pangulong Rodrigo Duterte na magpasa ng batas na magkakaloob ng libreng legal assistance sa mga opisyal at enlisted officers ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) at iba pang uniformed personnel.
Ayon sa Pangulo, ito ay bilang tulong sa pagharap ng mga sundalo at pulis at iba pang nasa serbisyo sa mga kasong may kinalaman sa pagtupad sa kanilang tungkulin.
Kaugnay nito ay tiniyak ni Senator Ronald Bato dela Rosa na tutugon sya sa hiling ng Pangulo.
Ayon kay dela Rosa, ihahain nya ang naturang panukala bilang chairman ng Senate committee on public order and dangerous drugs.
Sa kanyang huling SONA ay hiniling din ni Pangulong Duterte kay Senator dela Rosa na imbestigahan o kung maari ay barilin na ang isa umanong opisyal ng pulisya na nagpapasok sa bansa ng armas na AK-47.
Si dela Rosa na dumalo sa joint session ay agad namang tumango o tumugon sa pahayag ng Pangulo.
Sabi ni dela Rosa, aalamin niya sa PNP ang estado nito dahil sa pagkakaalam niya ay may naisampa ng kaso sa Sandiganbayan hinggil dito laban sa mga police officers na sangkot at nagpapatuloy na ang paglilitis.
Ayon sa Pangulo, bukod sa pag-angkat ng AK-47 ay nagbibigay din ng security sa mga negosyo ang nabangit na police colonel.