Ngayong araw, sinimulan na ang pagsira sa mga nakukumpiskang iligal na droga ng Philippine National Police (PNP).
Ito ay matapos ang kahilingan ng PNP sa korte na dapat ay gawing mabilis ang paglalabas ng order ng mga judge para sa inspection at destruction ng mga droga pagkatapos ng isang drug raid.
Ayon kay PNP Chief Police General Archie Gamboa, may inilabas ng court circular si Office of the Court Administrator Midas Marquez na kung saan hinihikayat ang mga hukom na sundin ang 72 hours ruling kung saan dapat agad na inspeksyunin at sirain ang mga nakumpiskang iligal na droga.
Kaya naman, kaninang umaga, kung saan witness ang hukom, mga prosecutors, suspek at kanilang mga abogado ay sinira ang 800 kilo ng shabu na nakumpiska sa Bulacan kamakailan.
Bukod dito, isusunod na rin ng PNP ang pagsira sa 300 kilo ng shabu na nakumpiska sa Cavite at 300 kilo rin ng shabu sa Makati.
Matatandaang hiniling ni Gamboa ang mabilis na pag-isyu ng court orders para sa inspection at destruction dahil sa natatambak sa custody ng PNP ang mga nakumpiskang iligal na droga.