Nilinaw ng ilang mga ahensya ng gobyerno na hindi sikreto ang hiling ng Estados Unidos sa Pilipinas na temporary housing para sa mga Afghan special immigrants.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Foreign Relations, binusisi ni Committee Chair Senator Imee Marcos kung paano nangyari ang request ng US sa Pilipinas para sa pansamantalang relokasyon ng mga Afghan refugees sa bansa.
Ayon kay kay Philippine Ambassador to the United States Jose Manuel Romualdez, unang nakatanggap ang embahada sa Washington D.C. ng formal request.
Kinumpirma naman ni Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo na may natanggap siyang ‘concept note’ mula Estados Unidos na pansamantalang payagan ang mga Afghan special immigrants na empleyado ng US government na pansamantalang manatili sa bansa habang pinoproseso pa ang kanilang visa application sa US Embassy dito sa Maynila.
Aniya pa, napag-usapan din ito nina Pangulong Bongbong Marcos at US President Joe Biden noong Mayo.
Sinabi rin ni Manalo na agad siyang nagpatawag ng inter-agency meeting noong October 28, 2022 na dinaluhan ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno.