Gustong ipasulong ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Kongreso ang pagpasa ng panukalang magbabawal sa pagbebenta ng alak pagsapit ng alas-12 ng hating gabi.
Sa panayam ng mga mamamahayag matapos ang ika-apat niyang State of the Nation Address (SONA), sinabi ni Duterte na posibleng mapabuti nito ang pamumuhay ng ilang Pilipino bagamat may negosyong matatamaan.
Dagdag pa niya, dapat wala nang umiinom ng alak sa pampublikong lugar or mga bar pagdating ng alas-11 ng gabi.
Sa lungsod ng Davao, isinabatas ang nasabing ordinansa para mabawasan ang mga krimeng kinasasangkutan ng mga taong nasa ilalim ng impluwensiya ng alak.
Naiintindihan ni Duterte na kailangan itong pag-aralan maigi at mahihirapan ipatupad dahil magiging apektado ang maraming establisyimento dahilan para kontrahin ng mga negosyante ang batas na inihain.