Cauayan City, Isabela- Hindi pinayagan ng Regional Inter Agency Task Force (RIATF) na isailalim sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) ang Lungsod ng Tuguegarao sa kabila ng patuloy na pagdami ng kaso ng COVID-19 sa lugar.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Governor Manuel Mamba, kanyang sinabi na suhestiyon niya lamang ito bilang ama ng probinsya ng Cagayan dahil na rin sa nakikitang pagtaas ng bilang ng mga nagpopositibo sa Lungsod.
Kanyang sinabi na mula sa kabuuang bilang ng mga naitalang kumpirmadong kaso sa Cagayan ay 70 porsyento rito ay galing sa Tuguegarao City.
Dahil dito ay mayroon aniyang posibleng naging mismanagemnt sa Lungsod kung kaya’t nagpapatuloy ang pagkalat ng virus.
Naniniwala kasi ang Gobernador na solusyon ang pagsasailalim sa MECQ sa Syudad upang mapigilan ang lalong paglobo ng kaso ng COVID-19.
Ito’y sa kabila na rin ng pagkakaroon ng ‘Community transmission’ sa Lungsod na pinakadelikado aniya sa status ng isang lugar.
Gayunman, nirerespeto pa rin aniya nito ang naging desisyon ng RIATF subalit huwag sana aniyang dumating sa punto na sisisihin ito dahil sa patuloy na pagdami ng mga nagpopositibo.