Hinala ng pamilya Lucero: GF ni Jang, may kinalaman sa karumal-dumal na krimen

Naniniwala ang pamilya ni Jang Lucero, ang babaeng driver na natagpuang tadtad ng saksak sa loob ng kaniyang kotse sa Calamba sa Laguna, na may kinalaman sa karumal-dumal na krimen ang nobyang si Meyah Amatorio.

Ayon kay Angela Lucero, kapatid ng biktima, nadiskubre nila na habang magkarelasyon ang dalawa sy sinasaktan at niloloko umano ni Amatorio ang pinaslang na dalaga.

Dahil sa mga detalyeng nakalap, dumulog na sila sa tanggapan ng National Bureau of Investigation (NBI) upang maimbestigahan din ang pinagsusupetyahan na karelasyon.


“Nakakalungkot. Kung alam ko lang na ganoon ang mangyayari, hindi ko na itutuloy. Ni kahit palo, hindi ko nagawa sa kaniya,” sagot ni Angela sa panayam ng 24 Oras nitong Lunes.

Unang nasangkot sa brutal na pagpatay ang dating nobya ni Amatorio na si Annshiela Belarmino subalit pinakawalan siya matapos ibasura ng piskalaya ang kasong murder na isinampa ng Calamba Police sanhi ng kakulangan ng karampatang ebidensiya. 

Matatandaang iginiit ni Belarmino na hindi siya ang babaeng nasa CCTV video na sinasabing naging pasahero ng biktima bago maganap ang malagim na krimen.

Samantala, sisimulan na ng NBI ang pagsisiyasat upang makamit ng pamilya Lucero ang hustisya.

Facebook Comments