Hinalang katiwalian sa ugnayan sa pagitan ng pangulo, Pharmally at PS-DBM, dapat imbestigahan ng Ombudsman

Iginiit ni Senator Leila de Lima sa Ombudsman na simulan na ang preliminary investigation sa umano’y PPP o “Public-Private Sector Partnership for Plunder” sa pagitan ni Pangulong Rodrigo Duterte at ng Pharmally Pharmaceutical Corp.

Sabi ni De Lima, sangkot din umano rito ang negosyanteng Chinese na kaibigan ng pangulo na si Michael Yang at ang Procurement Service of the Department of Budget and Management o PS-DBM sa pamumuno ni dating Undersecretary Lloyd Christopher Lao.

Binanggit ni De Lima na malinaw sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee na depektibo umano ang pandemic supplies na binenta ng Pharmally sa PS-DBM na ginastusan ng bilyon-bilyong piso na pera ng taumbayan.


Tinukoy rin ni De Lima ang sinabi ni Blue Ribbon Committee Chairman Senator Richard Gordon na aabot sa Malakanyang ang kontrobersiya ng PS-DBM at Pharmally kaya nagpa-panic ang pangulo at inaawat ang imbestigasyon.

Dahil dito ay nananawagan si De Lima kay Ombudsman Samuel Martires na kahit sa pagkakataong ito ay kumampi naman ito sa panig ng taumbayan at huwag puro lamang pagprotekta sa Statement of Assets, Liabilities and Net Worth o SALN ni Pangulong Duterte ang inaatupag.

Facebook Comments