Manila, Philippines – Hinamon ng mga kongresista ang mga nakapasa sa 2017 bar exams na tulungan ang pamahalaan na ayusin ang judicial system ng bansa.
Ayon kay Justice Committee Chairman Reynaldo Umali, umaasa siya na magbibigay serbisyo at tutulong ang mga bagong abogado sa mga mahihirap na mangangailangan ng kanilang serbisyong legal.
Hinikayat naman ni Metro Manila Development Committee Chairman Winston Castelo ang mga bagong lawyers na magsilbi sa gobyerno.
Dapat aniyang ibigay muna ng mga bagong abogado ang kanilang dedikasyon at pagtulong sa pamahalaan upang mapaunlad ang hustisyang umiiral sa bansa.
Kasabay nito ay pinuri ng mga kongresista ang 1,724 board passers kung saan kasama din sa mga mapalad na nakapasa ang anak ni House Speaker Pantaleon Alvarez na si Atty. Anna Alvarez at ang anak din ni Justice Committee Vice Chairman Henry Oaminal.