HINAMON | Senado, dapat na sang-ayunan na ang isinusulong na "separate voting" sa cha-cha ni Speaker Arroyo

Manila, Philippines – Hinamon ni Eastern Samar Representative Ben Evardone ang Senado na sang-ayunan na ang panukala ni House Speaker Gloria Arroyo na hiwalay na pagboto sa charter change o cha-cha.

Giit ni Evardone, dito masusubukan kung talagang kaisa ang Senado sa pag-amyenda sa Konstitusyon lalo pa at ipinipilit noong una ng Mataas na Kapulungan ang hiwalay na botohan sa pederalismo.

Sinabi pa ng kongresista na “positive signal” para sa Senado ang pagpayag ng Speaker sa hiwalay na pagboto sa pederalismo.


May plano naman ang Kamara na palitan ang ipinasang House Concurrent Resolution no.9 na ipinasa para sa pag-amyenda sa konstitusyon.

Ayon kay House Committee on Constitutional Amendments Chairman Ching Veloso, papalitan nila ng “separate voting” sa halip na “joint voting” ang paraan ng botohan sa pederalismo upang mawala ang duda ng Senado.

Umaasa naman ang Kamara na magiging bukas na sa pagkakataong ito ang Senado para sa tuluyang pag-amyenda sa Saligang Batas.

Facebook Comments