Manila, philippines – Nagpaliwanag ngayon ang pamunuan ng Presidential Security Group kung bakit hindi pinapasok ang mga miyembro ng Malacañang Press Corps o MPC sa Malacañang Compound kanina.
Kanina kasi ay hinarang ang ilang miyembro ng MPC sa Malacañang Compound dahil utos umano ito mula sa kanilang head operations.
Sa panayam naman ng media kay Brigadier General Lope Dagoy ang commander ng PSG ay sinabi nito na nagkaroon lamang ng hindi pagkakaintindihan sa kanyang mga tauhan dahil naka nakataas ngayon ang red alert sa Malacañang dahil sa Labor Day kaya humihingi siya ng paumanhin dito.
Paliwanag ni Dagoy, idineklara ang red alert dahil mayroong mga natatanggap na mga threat o banta kaya ayaw nilang may mangyari sa Malacañang habang wala dito ang Pangulo.
Bukas naman aniya ay lifted na ang red alert at balik na sa normal ang seguridad sa Malacañang.
Nilinaw din naman ni Dagoy na wala silang intensyon na kitilin ang karapatan ng mga mamamahayag at talagang hindi lang nagkaroon ng malinaw na paguusap o koordinasyon.