Sumisigaw ng hustisya ang naulilang pamilya ng Overseas Filipino Worker (OFW) na si Mary Jean Balag-ey Alberto na nahulog mula sa ika-13 palapag ng Shams Meera Tower Al Reemi sa Abu Dhabi, United Arab Emirates (UAE).
Napag-alamang nasa morge pa din ng Sheikh Khalifa Hospital ang katawan ni Balag-ey mula nang mamatay siya noong Oktubre 2.
Pahayag ng Assistance to National ng Embahada ng Pilipinas sa naturang bansa, masusi nang iniimbestigahan ng mga pulis ang malagim na sinapit ng kasambahay.
Ayon sa kapatid ng biktima na si Marie, nagpadala ng mensahe si Mary Jean sa kaniyang Facebook account na pinagbantaan siyang papatayin at madalas siyang minamaltrato ng among Moroccan.
Nakasaad sa mensahe na muntik siyang sakalin ng babaeng amo dahil sa paratang umano nito hinggil sa nangangalang Hamood.
Sumbong pa ng kababayan, hindi siya pinapakain ng dayuhang employer hangga’t hindi siya natatapos magtrabaho.
Aniya, mas gugustuhin niyang makulong kaysa manatili sa kamay ng abusadong banyaga.
Dahil sa hinaing ni Balag-ey, naniniwala ang pamilya nitong itinulak siya ng Moroccan national at hindi tumalon para magpatiwakal.
Humihiling din sila ng agarang repatriation at impartial investigation sa gobyerno ng Pilipinas at UAE.
Tourist visa ang gamit ng 44-anyos na tubong Guinaang, Bontoc, Mountain Province at tatlong buwan palang naghahanap-buhay sa UAE.