Manila, Philippines – Hindi pa nakakapagdesisyon si Committee on Constitutional Amendments and Revision of Codes Chairman Senator Francis Kiko Pangilinan kung papaharapin si pagdinig ukol sa charter change at federalism si Communications Assistant Secretary Mocha Uson.
Ayon kay Pangilinan, aantayin niya ang formal request hinggil dito mula kay Senator Nancy Binay na nagnanais marinig kung paano ipapaliwanag ni Assistant Secretary Uson sa publiko ang tungkol sa pagpapalit sa porma ng gobyerno.
Sa ngayon ay mas intresado si Pangilinan na mabusisi kung paano gagastusin ang 90-million pesos na pondo para mabigyan ng kaalaman ang publiko ukol sa cha-cha at federalism.
10-milyong piso sa nabanggit na pondo ay mapupunta sa Presidential Communications Operations Office o PCOO na syang mangunguna sa pagpapakalat ng information materials.
Bunsod nito ay mas nais ni Pangilinan na imbitahan ang namumuno o mataas na opisyal ng PCOO na makapagpapaliwanag kung paano gugugulin ang pondong nakalaan sa information campaign kaugnay sa cha-cha at federalism.