Manila, Philippines – Tiniyak ng ilang mga kaalyado ni House Speaker Gloria Arroyo na tuloy ang eleksyon sa Mayo ng susunod na taon.
Ayon kay 1-PACMAN Partylist Rep. Mikee Romero, hindi sinusuportahan ni SGMA ang pagpapaliban sa halalan para bigyang daan ang Charter change.
Sinabi nito, pinulong ni SGMA ang mga mambabatas nitong Linggo para ipaabot ang hindi nito pag-suporta sa no-election.
Nagkakaisa aniya ang mga political parties at partylist organizations na bumubuo sa majority coalition ng Kamara na hindi nila susuportahan ang suspensyon ng 2019 midterm polls tulad ng naunang isinusulong noon ni dating House Speaker Pantaleon Alvarez.
Paliwanag ng kongresista, ang no-el ang isa sa naging dahilan din ng pagbagsak ni Alvarez dahil maraming mga mambabatas ang hindi natutuwa dito.
Gayuman, tiniyak ni Romero na nananatili ang suporta ng mayorya sa Kamara kay Pangulong Duterte para sa pag-amyenda sa Konstitusyon.