Manila, Philippines – Hindi lumusot sa house committee on justice ang impeachment complaint laban kay Supreme Court Chief Justice Teresita De Castro at anim pang mahistrado.
Ayon kay Committee Chairman, Oriental Mindoro Representative Salvador ‘Doy’ Leachon, sa botong 23-1, idineklarang insufficient in substance ang reklamong sinasabing nilabag ng mga mahistrado ang konstitusyon.
Ginawa lamang nina De Castro ang kanilang mandato hinggil sa pagdesisyon nila sa quo warranto petition laban sa napatalsik na si dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Nanindigan naman si Albay Representative Edcel Lagman, isa sa naghain ng reklamo labag sa saligang batas ang pagpapatalsik kay Sereno gamit ang quo warranto at dapat nag-inhibit ang limang mahistrado na tumestigo sa impeachment.
Sinabi ni Sagip Partylist Representative Rodante Marcoleta, malinaw sa isinagawang impeachment hearing ng Kamara laban kay Sereno na hindi ito nakapagsumite ng kanyang kumpletong Statements of Assets, Liabilities and Networths (SALN) na isang requirement para maging punong mahistrado.
Naniniwala naman si Akbayan Representative Tom Villarin, miyembro ng magnificent 7 naghain ng reklamo na may kinalaman ang pagdalo ni House Speaker Gloria Macapagal Arroyo sa agarang desisyon ng komite.
Budget season na kasi aniya sa Kongreso at malapit na ang eleksyon.
Dahil dito, sinabi ni Lagman na nasa pribadong sektor na kung maghahain ng kasong administratibo o kriminal laban sa mga mahistrado pagretiro nila.