Manila, Philippines – Hindi makikialam ang Palasyo ng Malacañang sa mga proseso ng korte partikular ang paglalabas ng warrant of arrest laban sa ilang dating party-list representatives na kinasuhan ng murder noong 2006.
Naglabas kasi ng warrant of arrest ang Nueva Ecija Court laban kina dating Congressman Satur Ocampo, Teddy Casino, at ganon din kina National Anti-Poverty Commission Secretary Liza Maza at dating Agrarian Reform Secretary Rafael Mariano.
Ayon kay Presidential Spokesman Secretary Harry Roque, iginagalang nila ang pagiging hiwalay na sangay ang hudikatura kaya hindi nila panghihimasukan ang mga prosesong sinusnod nito.
Nabatid na ang apat na personalidad ay akusado sa pagdukot at pagpatay kina Danilo Felipe nuong 2001, Jimmy Peralta, nuong 2003 at Carlito Bayudang nuong 2004 na pawang tagasunod ng kalabang party-list na Akbayan.