HINDI MAPABABAGSAK | AFP, naniniwalang malabong mapabagsak ni Joma Sison ang Duterte Administrasyon

Manila, Philippines – Hindi alam ng pamunuan ng Armed Forces of the Philippines kung saan humuhugot ng lakas ng loob si National Democratic Front of the Philippines Chief Political Consultant Joma Sison

Kasunod ito nang kanyang panawagang pabagsakin ang administrasyong Duterte matapos ang pagkaantala ng usapang pangkapayapaan.

Ayon kay AFP Spokesperson Col. Edgard Arevalo, suportado ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas at nakararaming Pilipino si Pangulong Duterte kaya malabong mapabagsak ang administrasyon.


Hindi naman aniya mauutusan ni Sison ang mga Indigenous Peoples na matagal na nilang nalinlang dahil mismong ang mga ito na aniya ang humiling sa Pangulo na huwag na makipag usap sa NPA.

Sinabi pa ni Arevalo na sa katunayan ang hanay ng CPP-NPA-NDF ang patuloy na bumabagsak.

Batay aniya sa kanilang datos 7,531 na ang kabuuang bilang na nalagas sa NPA simula Jan 1 hanggang June 28 ngayong taon.

Sa bilang na ito 71 na ang mga namatay, 114 nadakip, at 7,346 na ang sumuko.

Aniya ayon sa mga sumuko, hindi na nila kaya ang hirap sa bundok, gutom at pagod sa pakikipaglaban samantalang ang mag-uutos daw sa kanila na si Joma Sison ay nabubuhay ng maginhawa at mariwasa sa ibang bansa.

Facebook Comments