Manila, Philippines – Hindi iaatras ni Tourism Committee Chairman Senator Nancy Binay ang planong imbestigasyon sa umano ay 60-million pesos na pondo ng Department of Tourism o DOT na ginastos sa advertisement sa PTV4.
Pahayag ito ni Binay, sa kabila ng napabalitang gagawing pagsasauli ng Bitag Media Unlimited Inc sa 60-million pesos na umano ay napunta sa mga pinapatakbo nitong program sa PTV 4.
Ayon kay Binay, welcome ang pagbabalik sa 60-million pesos pero dapat linawin sa senate hearing ng DOT at PTV-4 ang naging proseso at kasunduan kaugnay sa kontrobersyal na advertisement.
Target din aniya ng imbestigasyon kung paano ginugugol ng DOT ang pondo nito.
Giit ni Senator Binay, kailangang maging responsable at maingat sa paggastos ng bawat piso dahil hindi biro ang budget na binibigay para pagandahin ang imahe ng Pilipinas at maghikayat ng maraming turista.