Patuloy na pinapatay ng hindi pa tinutukoy na sakit ang mga baboy sa Rizal province.
Sa ngayon kasi, ayaw pa rin ng Department of Agriculture (DA) na maglabas ng detalye hinggil dito.
Ayon sa isang local official sa lalawigan, nagsasagawa na ng pagkatay sa mga baboy lalo na sa Macabud, San Isidro at San Jose.
Inaasahang magpapatuloy aniya ang culling operations hanggang sa susunod na tatlong linggo.
Hindi naman kinumpirma o itinanggi ni Agriculture spokesperson Noel Reyes na mayroong African swine fever (ASF) sa Rizal.
Tumanggi ring kumpirmahin ni Reyes kung ang ASF ba ang dahilan ng pagkamatay ng mga baboy sa lalawigan dahil kailangan munang malaman ang resulta ng pagsusuri mula sa mga sample na ipinadala sa Europe na malalaman sa loob ng susunod na dalawang linggo o tatlong buwan.
Sa ngayon, ‘on top of situation’ ang agriculture department at pinaigting na nila ang kanilang security measures para mapigilan ang pagkalat ng sakit sa buong bansa.
Nabatid na aabot sa 260 billion pesos na hog industry ang maaapektuhan kapag hindi ito agad inaksyunan.