Manila, Philippines – Ipinba-ban ni Akbayan Rep. Tom Villarin sa liderato ng Kamara si Labor Usec. Jacinto Paras sa premises ng kapulungan matapos nitong umanoy tangayin ang kanyang cellphone noong Marso.
Sa privilege speech ni Villarin iginiit nito na pagbawalang tumuntong sa Kamara ang dati ring kongresista na si Paras hanggat hindi pa nagkakaroon ng resolusyon ang reklamo nya dito.
Umaasa si Villarin na susuportahan ng mga mambabatas ang kanyang suhestyon na pagbawalan si Paras sa Kamara.
Si Paras ay sinampahan ni Villarin ng reklamong pagnanakaw sa QC Prosecutors Office matapos tangayin ang kanyang cellphone.
Ayon sa mambabatas, baka napatawad pa niya si Paras kung agad lamang itong humingi ng paumanhin.
Pero alam umano niyang hindi disenteng tao si Paras at naniniwala siyang may iba itong motibo nang tangayin ang kanyang cellphone at saka basta na lamang itong iwan sa isang hearing room ng Kamara.