Binigyang diin ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III na bilang pagsunod sa Bayanihan to Heal as One Act o Bayanihan 1 ay dapat ipagpatuloy ang pamamahagi ng lima hanggang walong libong pisong ayuda sa ilalim ng Social Amelioration Program o SAP.
Paliwanag naman ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto at Senate Minority Leader Franklin Drilon, paglabag sa Bayanihan 1 ang hindi pagbibigay ng ikalawang bugso ng SAP sa apat na milyong mahihirap na pamilya.
Pahayag ito ng mga senador kasunod ng sinabi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na may natitira pang 10-bilyong piso na pondo sa ilalim ng SAP dahil nabawasan ang 18-milyong mga mahihirap na pamilyang benepisyaryo nito.
Giit naman ni Finance Committee Chairman Senator Sonny Angara sa DSWD, ipamahagi na sa lalong madaling panahon ang nabanggit na salapi dahil ito ay emergency funds na inilihis mula sa ibang mga programa ng gobyerno para tulungan ang mga pamilya at indibidwal na higit na apektado ng pandemya.
Ikinadismaya naman ito ni Senator Joel Villanueva na nagmungkahi sa DSWD na magpatulong sa Deprtment of the Interior and Local Government (DILG) para kastiguhin ang mga Local Government Unit (LGU) na atrasadong mabigay ng listahan ng mga benepisaryo ng SAP.
Nakakagalit naman para kay Senator Risa Hontiveros na iniipit ang pondo ng SAP na dapat ibigay sa mga nangangailangan lalo’t muling pinairal ang Modified Enhanced Community Quarantine sa Metro Manila at ilan pang lugar nitong Agosto at hanggang ngayon ay marami pa rin ang nawalan ng trabaho o kabuhayan.
Para naman kay Senator Panfilo Ping Lacson, marami ang hindi nakatanggap ng ayuda bilang resulta ng sablay na pagpaplano, preparasyon, koordinasyon ay implementasyon.
Ipinunto naman ni Senator Nancy Binay na dapat ay naipamigay ito sa mga nangangailangan at benepisaryo.
Apela naman ni Committee on Health Chairman Senator Christopher Bong Go sa DSWD, gamitin ang natitirang SAP fund sa patuloy na pagtulong sa mga nangangailangan na siyang layunin ng Banahiyan 1.