Manila, Philippines – Aminado ang Philippine Association of Service
Exporters Inc. o PASEI na hindi nakokontrol ang lahat ng mga recruitment
agencies sa bansa.
Aabot lamang sa 1,286 ang lisensyadong recruitment agencies sa buong bansa.
Ayon kay PASEI Chair Edwina Beech, nakakalusot ang mga recruitment agencies
sa pagpapadala ng mga OFWs na no read, no write, at wala man lang trainings
bago maipadala sa ibang bansa dahilan kaya marami ang naaabusong OFWs.
Paliwanag naman nito, bagamat may batas para sa recruitment, madalas na
hindi na nasasala ang mga ipinapadalang OFWs dahil sa kailangan ang agarang
pagpapadala ng mga domestic helpers.
Tiniyak ng PASEI na gumagawa na sila ng paraan sa pakikipagtulungan ng DOLE
para mahimay ang mga rules at hindi na maulit ang mga kapalpakan at mga
pangaabuso sa mga OFWs.
Nauna dito ay siniguro ni DOLE Sec. Silvestre Bello III na patuloy ang
pakikipag-ugnayan ng ahensya sa DFA at sa ibang mga bansa para sa
inilalatag na bilateral agreement upang mabigyan ng proteksyon ang mga OFWs.