Manila, Philippines – Binigyang diin ni Special Assistant to the President Secretary Bong Go na hindi siya namumulitika sa kanyang pagiikot at pagtulong sa mga nasunugan at iba pang mga nangangailangan.
Ito ang sinabi ni Go sa harap narin ng batikos na ibinabato dito ng mga kalaban ng Administrasyon kung saan ginagamit umano ni Go ang kanyang posisyon para magpakilala sa publiko dahil tatakbo umano ito sa pagka Senador sa susunod na taon.
Ayon kay Go, ang pagpunta niya sa mga nasunugan at sa mga nangangailangan ng tulong ng Pamahalaan ay bilang bahagi ng kanyang trabaho dahil ipinapadala siya ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga ito.
Nagpaliwanag din naman si Go sa mga iba pang kagamitan na ibinibigay niya sa mga biktima ng sunog.
Ayon kay Go, donasyon ito ng kanyang mga kaibigan na mayroong Foundation na gusto ring tumulong kung saan nagpadala ang mga ito ng mga sapatos at Grocery Packs.
Matagal narin aniya siyang nanawagan sa kanyang mga supporters na imbes na billboards at tarpaulins ay tumulong nalang ang mga ito sa mga biktima ng sunog at mga mahihirap.
Nagresulta aniya ito ng pagbibigay ng mga Plywoods sa mga biktima ng sunod sa Quezon City.