Manila, Philippines – Dismayado ang grupong Gabriela sa Kamara dahil dinepensahan pa ng Pinay sa South Korea na si Bea Kim ang ginawang paghalik sa kanya ni Pangulong Duterte matapos ang ginawang event sa SoKor para sa mga OFWs.
Ayon kay Gabriela Rep. Arlene Brosas, `unfortunate` na maituturing dahil ang mismong babaeng hinalikan ng Pangulo ay ipinagtanggol pa ito.
Giit ni Brosas, kahit hindi maramdaman ng babae na walang mali sa paghalik sa kanya ni Duterte ay tiyak na may problema dito dahil una ay Presidente at nasa kapangyarihan kaya hindi ito makatanggi.
Kinwestyon din ng kongresista kung sadyang `insentisitive` lang ang babae at hindi nito naisip ang mararamdaman ng kanilang mga asawa at ng publikong nakapanood nito.
Samantala, dismayado din si Magdalo Partylist Rep. Gary Alejano lalo na sa pagdepensa ng mga supporters sa ginawa ni Duterte.
Sinabi ni Alejano na kung palaging dedepensahan ang ganitong aksyon ng Pangulo ay nakakabahalang ito na ang magiging bagong normal sa ibang mga lider ng bansa.