Ayon kay Philippine Red Cross o PRC Chairman and Chief Executive Officer Senator Richard Gordon, umaabot na ngayon sa ₱1.1 billion ang utang ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Dismayado si Gordon dahil sa halip na magbayad agad ng utang ay kung ano-anong idinadahilan ng PhilHealth at patuloy ang mga paglabag sa kontrata nito sa Red Cross.
Binanggit ni Gordon na dahil sa inaasahang pagbabayad ngayong araw ng PhilHealth ay nagpa-schedule sila ng chartered flight patungong China para bumili ng kagamitan sa COVID-19 tests na nagkakahalaga ng 6 to 8 million dollars.
Sabi ni Gordon, nagpatulong pa sila kay Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin sa pagkuha ng mga permit sa Chinese Government at dahil sablay pa rin sa pagbabayad ang PhilHealth ay mapipilitan silang ikansela bukas ang nabanggit na flight at pagbili ng COVID-19 test kits and equipments.
Ayon kay Gordon dahil sa hindi pagbabayad ng utang ng PhilHealth ay naantala ang pagtatayo ng mga bagong provincial molecular laboratories sa Quezon, Albay, Pangasinan, BARMN, at Laguna at nahinto rin ang kanilang COVID-19 test dahil paubos na ang kanilang test kits.
Babala ni Gordon, posibleng kumalat lalo ang virus dahil sa matinding kakulangan sa COVID-19 testing.
Giit ni Gordon, dapat mahiya ang PhilHealth sa pagiging pabaya, panloloko o pagsisinungaling kaugnay sa operasyon nito at tila paglalaro sa buhay ng mamamayan.