Hindi pag-aksyon sa hiling ng private sector at LGUs na makabili ng bakuna, kinuwestyon ni Senator Marcos

Kinukwestyon ni Senator Imee Marcos ang hindi pag-aksyon ng National Task Force (NTF) on COVID-19 sa hiling ng pribadong sektor at mga lokal na pamahalaan na makabili ng COVID-19 vaccines.

Sinabi ito ni Marcos makaraang ihayag ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri na may 300 pribadong kompanya at 42 Local Government Units (LGUs) ang naghihintay tugunan ang isinumite nilang multi-party agreement o tripartite agreement para sa pagbili ng kabuuan 10 milyong bakuna laban sa COVID-19.

Punto ni Marcos, kay Zubiri, bakit nakatengga ang karamihang tripartite agreements ngayon gayong kung may kulang o may mali sa mga ito ay pwede namang agad maisaayos para agad umusad ang proseso sa pagbili ng kailangang bakuna.


Diin ni Marcos, ngayong dumadami na ang supply ng COVID-19 vaccine at napapabilis at maayos na rin ang delivery nito ay bakit nagpapabagal-bagal naman ang Pilipinas sa pagbili.

Paalala ni Marcos, kaya nga tayo may “vaccine czar” ay para mapabilis ang pagbili ng bakuna noon mula sa Estados Unidos dahil mabagal ang Department of Health (DOH).

Sinabi pa ni Marcos na sa hindi pag-aksyun sa nakatenggang tripartite agreement ay hindi maiwasan ang pagdududa na may pinapaborang brand ng bakuna ang mga kinauukulan.

Facebook Comments