Naniniwala ang isang legal expert na naaayon sa batas ang naging aksyon ng Philippine National Police (PNP) na hindi arestuhin si Jose Antonio Sanvicente, ang SUV driver na sangkot sa hit-and-run sa Mandaluyong City.
Ito sa gitna ng mga batikos ng publiko sa PNP dahil sa umano’y special treatment nito sa kaso ni Sanvicente.
Paliwanag ni Dean Soledad Mawis ng Lyceum of the Philippines University College of Law, napaso na kasi ang warrantless arrest ng pulisya kung kaya’t wala na talagang legal na basehan ang PNP para arestuhin ang SUV driver noong araw na ito ay lumutang sa Camp Crame.
“Muka hong defensible yung position ng police, dahil unang-una ho, hindi naman nila nakita kung sino mismo yung gumawa,” ani Mawis sa interview ng DZXL 558 RMN Manila.
“Yung warrantless arrest kasi, available lamang po yan kung ginawa, ginagawa o kagagawa lamang nung krimen e medyo may katagalan na po. So, ang proseso ho, hindi na po pwedeng inquest, kailangan po dyan, regular preliminary investigation. So, ang desisyon po ng investigating public prosecutor, nagawa ba niya itong krimen na ‘to o hindi? So, hindi ito pronouncement of guilt but probable cause,” paliwanag pa niya.
Miyerkules nang lumutang si Sanvicente kasama ang kanyang mga magulang kung saan isinuko rin nito ang sasakyang minamaneho niya nang sagasaan ang security guard na si Christian Floralde.
Humingi na ng tawad si Sanvicente pero desidido si Floralde na ituloy ang pagsasampa ng kaso laban suspek.