Ikinalugod ng Department of Health (DOH) ang hindi pagkakasama ni Health Secretary Francisco Duque III sa mga opisyal na pinasasampahan ng reklamo kaugnay ng katiwalian sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Ito ay matapos aprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang report ng Task Force PhilHealth na nagrerekomenda na masampahan ng criminal at administrative complaints ang ilan sa matataas na opisyal ng ahensya.
Gayunman, inulan ng batikos ang hindi pagkakasama sa listahan si Duque, na ex-officio chairman ng PhilHealth.
Sa kaniyang virtual press briefing, sinabi ni Health Undersecretary at Spokesperson Ma. Rosario Vergeire na “welcome development” ang nangyari.
Nagpapasalamat din aniya ang DOH sa patuloy na tiwala ni Pangulong Duterte kay Duque.
Ayon kay Vergeire, mahirap na magpalit ng Kalihim sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Muli namang nilinaw ni Vergeire na bukas ang tanggapan ng DOH partikular si Sec. Duque at ang PhilHealth sa nagpapatuloy na imbestigasyon.