Manila, Philippines – Naglabas ng hinanakit ang pamilya ng napaslang na kapitana na si Crisell ‘Beng’ Beltran sa hindi pagsama sa kanila sa ginawang pagprisinta sa mga naarestong suspek.
Binatikos ni Winsell Beltran, panganay na anak ni Beltran ang hindi pagpapasok sa kanila sa QCPD headquarters noong iprisinta ang mga suspek.
Nawala tuloy aniya ang kanilang pagkakataon na makaharap ang mga pumatay sa kanilang ina.
Naniniwala si Winsel na may kinalaman sa pulitika ang nangyaring pagpatay sa kapitana na kumakandidato sa pagka kongresista ng Quezon City 2nd District sa ilalim ng Partido Demokratiko Pilipino–Lakas ng Bayan o PDP–Laban.
Aniya, mahalaga sa kanila na mabigyan ngayon ng hustisya ang pagkamatay ng kanilang ina.
Iniharap sa QCPD ang mga suspek na sina Teofilo Formanes, 48, isang market inspector sa Commonwealth Market, ang kaniyang kapatid niya na si Ruel Juab at mga vendor na sina Orlando Juab at Joppy Juab.