
Kinuwestiyon ni Imee Marcos ang hindi pagpapatawag ng pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay ng pahayag ng 18 dating militar na umaming naghahatid umano ng maleta-maleta pera para sa matataas na opisyal ng pamahalaan.
Giit ng senadora, kapag may ganitong mga paratang ay tungkulin ng mga institusyon ng pamahalaan na imbestigahan at suriin ang mga seryosong alegasyon.
Kung mayroon aniyang duda sa sinasabi ng mga dating sundalo na iniutos umano sa kanila ng iisang tao ang paghahatid ng P802 billion na pisikal na salapi, mas dapat pa itong busisiin upang maipaliwanag at mausisa kung may katotohanan ang kanilang mga ibinibintang.
Aniya, ang isang imbestigasyon ay hindi lamang nagtatanggol sa interes ng publiko kundi pinangangalagaan din ang reputasyon ng mga pinararatangan.
Punto pa ni Marcos, sakaling mapatunayan na gawa-gawa lamang ang mga paratang ay dapat panagutin ang mga taong malisyosong nagkaldag ng mga pangalan sa kontrobersiya, lalo na kung sangkot ang mga kasamahang senador at ang Senate President.










