Inihain ni Senator Risa Hontiveros ang Senate Resolution No. 520, na nagsusulong ng imbestigasyon sa umano’y kabiguan ng Bases Conversion and Development Authority o BCDA na ibigay ang share para sa modernisasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Tugon ito ni Hontiveros sa sinabi ni AFP Chief General Gilbert Gapay na umaabot na sa ₱13.2 billion ang hindi nai-remit ng BCDA sa AFP.
Ayon kay Hontiveros, paglabag ito sa The Bases Conversion and Development Act na nag-uutos sa BCDA na ilaan sa AFP Modernization Program ang 35% ng kita nito mula sa pinagbentahan ng mga dating military reservations.
Pero giit ng BCDA, wala silang kulang na remittance sa AFP dahil ang nabanggit na salapi ay nakatengga lang sa Bureau of Treasury at naghihintay ng appropriation.
Diin ni Hontiveros, dapat matukoy kung nasaan talaga ang nasabing ₱13.2 billion na mahalagang magamit para sa barko, eroplano, weapon systems at ibang kagamitan na kailangan ng Sandatahang Lakas.
Diin ni Hontiveros, ang kakulangan ng pondo sa AFP modernization program ay posibleng maglagay sa mamamayang Pilipino at sa ating bansa sa alanganin laban sa iba’t ibang banta tulad ng pag-atake ng mga terorista, at pag-angkin sa ating mga teritoryo.