Hindi Pagsahod ng mga Empleyado ng LGU Nagtipunan, Itinanggi ni Mayor Meneses

Cauayan City, Isabela- Pinabulaanan ni Mayor Nieverose Meneses ng Nagtipunan, Quirino ang kumakalat na impormasyon hinggil sa hindi umano pagsahod ng mga Job Order/ Contractual Employee ng Local Government Unit (LGU).

Sa panayam iFM Cauayan kay Mayor Meneses, mayroon o wala man aniya ang loan ay tuloy-tuloy pa rin ang pagsahod ng lahat ng empleyado maliban nalang kung hindi pa naaaprubahan ang budget ng Sangguniang Panlalawigan kaya’t posibleng magkaroon lang ng pagkaantala.

Aniya, hindi maaaring hindi pasahurin ang mga empleyado dahil lamang sa ibinasurang ordinansa ng mga miyembro ng Provincial Board.


Tahasang sinabi ng opisyal na ‘alibi’ lang ng mga nagpapakalat ng isyu sa hindi pagsahod ng mga naturang empleyado laban sa kanya.

Samantala, inamin din ni Meneses na ‘temporary’ lang ang nakikitang Comfort Room sa sikat na pasyalan na Landingan View Point na naging kontrobersyal matapos kumalat na nasa P3 milyon umano ang halaga ng palikuran.

Aniya, P300,000 ang nakalaang pondo sa pagpapagawa ng CR subalit ang naturang pondo ay hindi pa nailalabas kaya’t nagpagawa pansamantala ng ordinaryong palikuran.

Bagama’t naibasura ang ordinansa sa planong pag-utang ng P763 milyon mula sa bangko ay hindi aniya nangangahulugan na tapos na ang kanilang hakbang para sa mga Nagtipuneros dahil aarangkada pa rin ang bayan ng Nagtipunan.

Facebook Comments