Ikinadismaya at ipinagtaka ni Senate President Tito Sotto III ang laman ng report na isinumite kay Pangulong Rodrigo Duterte ng Task Force PhilHealth na pinamunuan ng Department of Justice (DOJ).
Ipinagtaka ni SP Sotto, kung bakit hindi kasama sa rekomendasyong kasuhan sina Health Secretary Francisco Duque III at PhilHealth Senior Vice President for Legal Sector Roldolfo del Rosario.
Diin ni Sotto, malinaw sa Article 217 ng revised penal code na may dapat silang pananagutan sa iregular na implementasyon ng Interim Reimbursement Mechanism (IRM).
Sa isinumiteng report ng task force sa Pangulo ay pinapakasuhan sina dating Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) President at CEO Ricardo Morales at ilan pang mga opisyal ng ahensya.
Ayon kay Sotto, mabuti na lang na hindi iniasa ng Ombudsman ang imbestigasyon nito sa task force.
Binanggit pa ni Sotto na mayroong moto propio power ang Ombudsman para kusang imbestigahan ang mga opisyal sa pamahalaan na inaakusahan o nasasangkot sa katiwalian.