Hindi pagsunod ng ilang establisyimento sa COVID-19 protocols, isa sa dahilan ng pagtaas ng kaso – DOH

Posibleng ang hindi pagsunod ng ilang establisyimento sa mga ipinatutupad na protocols ang isa sa naging dahilan ng muling pagdami ng kaso ng COVID-19.

Ayon kay Department of Health (DOH) Director IV Dr. Beverly Ho, maraming establisyimento kasi ang hindi sumusunod sa inilabas nila na guidelines sa pagkakaroon ng maayos na ventilation system.

Iginiit ni Ho na hangga’t maaari ay dapat nakabukas ang mga bintana sa mga establisyimento sa halip na nakakulob habang mayroon din silang inilatag na guidelines para naman sa mga gumagamit ng air condition.


Bukod dito, isa pa sa itinuturong dahilan ng DOH sa pagtaas ng kaso ay ang muling pagbubukas natin ng ekonomiya kung saan mas marami na ngayong lumalabas sa kanilang mga bahay.

Kahapon ay umabot sa 5,404 ang naitalang bagong kaso ng COVID-19 dahilan para umakyat na sa 626,893 ang kabuuang COVID-19 cases sa bansa.

Facebook Comments