Cauayan City, Isabela- Ipinaliwanag ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Region 2 ang ilang dahilan ng ilang buwan na hindi pagtanggap ng pinansyal nang mga miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa coastal area ng Probinsya ng Isabela.
Ayon kay DSWD Regional Information Officer Jeanette Lozano, batay sa ibinabang guidelines ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ay kinakailangan na ang lahat ng mga miyembro ay mayroong cash card (ATM) subalit agad naman itong tinugunan ng ahensya upang magkaroon ng nasabing card.
Problema naman aniya ay ang kawalan ng ATM Machine ng Land Bank dahilan para hindi maactivate ng mga miyembro ang kani-kanilang card at hindi rin makakapaglabas ng pera.
Sa kabila nito, ngayong buwan ng Mayo ay inaasahan na ang paglalagay ng tinatawag na ‘Conduit Bank’ na siyang gagamitin ng mga benepisyaryo ng pantawid para mailabas ang mga naipong pera.
Samantala, pinaalalahanan naman ng DSWD ang lahat ng mga miyembro ng pantawid na iwasan ang pagkakasangkot sa mga iligal na sugal dahil kung paulit-ulit aniya ang paggawa ng aktibidad ay maaaring matanggal sa pagiging miyembro ang mga ito.