Kinalampag ni Committee on Civil Service and Professional Regulation Chairperson at Bohol 3rd District Rep. Kristine Alexie Tutor ang Department of Labor and Employment o DOLE – Bureau of Working Condition.
Ito ay para aksyunan ang hindi patas na pagtrato sa mga kababaihan at iba pang mga kasarian sa security service sector.
Iginiit ito ni Tutor sa gitna ng tumataas na bilang ng mga babaeng nag-aaral ng kursong criminology, kumukuha ng criminology licensure examinations at nagtatrabaho sa private security service agencies.
Kasabay nito ay nanawagan din si Tutor sa Philippine National Police, Armed Forces of the Philippines, Philippine Military Academy, at Philippine Coast Guard na pa-igtingin ang recruitment sa mga kababaihan.
Hinikayat din ni Tutor ang Kongreso na magpasa ng batas na nagtatakda ng pamantayan, proseso at polisya na nag-aalis ng gender bias sa lahat ng propesyon para matiyak na magiging ligtas ang lahat ng workplaces sa bansa para sa mga kababaihan at mga miyembro ng LGBT community.