Manila, Philippines – Nagbanta ng malawakang tigil-pasada ang tatlong jeepney transport group dahil sa umano ay hindi patas na pagbibigay ng prangkisa ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Ayon kay Efren De Luna, pangulo ng Alliance of Concerned Transport Organizations (ACTO), mas pinapaburan ng LTFRB ang grupong Pasang Masda sa pagbibigay ng mas maraming prangkisa para sa ruta na daraanan ng modernized jeepneys.
Giit ni Federation of Jeepney Operators and Drivers Associations of the Philippines (FEJODAP) President Zeny Maranan, mas mabuting magbitiw sa pwesto si LTFRB Chairman Martin Delgra dahil sa pansariling pamamalakad sa ahensiya.
Depensa naman ni Delgra, wala siyang pinaboran dahil sumusunod lamang umano ang ahensiya sa nakasaad sa batas.
Ani ng mga transport group, isasagawa nila ang malawakang tigil-pasada bago ang nakatakdang State of the Nation (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte kung hindi aaksiyunan ng LTFRB ang kanilang hinaing.