Manila, Philippines – Hindi pinagbigyan ng Court of Appeals (CA) ang hirit ni SPO 3 Ricky Sta. Isabel na mag-isyu ng temporary restraining order sa pagpapatupad ng Angeles City, Pampanga RTC na gawing state witness sa kaso ng pagdukot at pagpatay sa negosyanteng Koreano na si Jee Ick Joo si SPO4 Roy Villegas.
Si Sta. Isabel ay pangunahing akusado sa kasong kidnapping for ransom with homicide, serious illegal detention at carnapping dahil sa pagdukot at pagpatay kay Jee Ick Joo sa loob ng Kampo Crame noong October 18, 2016.
Hiniling ni Sta. Isabel sa Court of Appeals na magpalabas ng temporary restraining order o preliminary injunction para mapigilan ang kinukwestiyong resolusyon ng mababang hukuman.
Naniniwala kasi si Sta. Isabel na si Villegas ay hindi qualified maging state witness.
Sa resolusyon ng Court of Appeals, nakasaad dito na bigo si Sta. Isabel na maglahad ng sapat na batayan ng daranasin niyang “grave and irreparable injury” sakaling matuloy ang pagtestigo ni Villegas sa kaso.
Tinukoy pa ng CA na mas binibigyan nito ng bigat ang kahalagahan na matuloy ang pag-usig sa kaso alang alang sa proteksyon ng lipunan.
Samantala, inaatasan naman ng CA ang mga respondent sa petisyon na kinabibilangan ni Angeles Regional Trial Court Branch 58 Presiding Judge Irineo Pangilinan Jr. na magsumite sa loob ng sampung araw ng kumento, habang limang araw naman sa kampo naman ni Sta. Isabel para magsumite ng reply.