HINDI SANG-AYON | Senators Lacson at Recto, kontra sa planong pag-utang ng gobyerno ng 1.2 trillion pesos

Manila, Philippines – Kinontra nina Senator Panfilo Ping Lacson at Senate President Pro Tempore Ralph Recto ang planong pag-utang ng pamahalaan ng halos 1.2-trillion pesos para tustusan ang Build, Build, Build project at iba pang gastusin sa susunod na taon.

Tanong ni Lacson, kailan pa kaya tayo matututo na magbalanse ng budget at mamuhay base sa kung ano ang meron tayo.

Paliwanag ni Lacson, okay lang mangutang kung magagamit at ilalaan sa pamumuhunan para tiyak na may pakinabang o babalik sa atin.


Ang problema, ayon kay lacson, hindi naman nagagamit ang salaping inuutang dahil laging malaki ang unused appropriations o natitira sa pondo taon taon.

Diin pa ni Lacson, ang mas masama pa, ay ninanakaw lang ito ng ilang mga masisiba na walang kabusugan sa pera habang ang mamamayan ay patuloy na nagbabayad ng kaukulang buwis.

Pinag-iingat naman ni Recto ang gobyerno sa planong pag-utang na siguradong papasanin ng susunod na henerasyon dahil sa tumataas ang intrest rates.

Ayon kay Recto, nakapalaking halaga ang uutangin kaya dapat siguraduhin na produktibo ang paggagamitan nito.

Diin pa ni Recto, maari itong maging dahilan ng pagtaas ng inflation rate o pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Kaugnay nito ay tiniyak ni Recto na mahigpit nilang bubusisiin ang panukalang mahigit P3.7 trillion pesos na National Budget para sa taong 2019 para tiyaking makatwiran ang pagkakagastusan sa buwis ng taumbayan.

Facebook Comments