Dahil sa patuloy na pagpapaigting ng Talitay Municipal Police sa pagpapatupad ng batas trapiko at kampanya kontra kriminalidad, isang pinaniniwalaang nakaw na motorsiklo ang kanilang naharang sa isang checkpoint.
Ayon sa kapulisan, nagkataon na dumaan ang isang kulay asul na Honda Click motorcycle sa bahagi ng Barangay Kuden kung saan sila nagsagawa ng checkpoint.
Pinara ng pulis ang drayber nito na si Muhajir Mustapha na taga-Datu Anggal Midtimbang at hinanapan agad siya ng kaukulang dokumento.
Ipinasuri ng mga pulis ang Official Reciept at Certification of Registration na pinasa ng driver sa Vehicle Information Management System (VIMS) ng RHPU BAR, at nabatid roon na ang minamaneho nitong motor ay pagmamay-ari ni Denver Abordo Chica ng Barangay 341, Sta. Cruz, Maynila.
Sinasabi pa sa record na ninakaw ito noong 12:26 AM, August 5, 2021 sa Quirino St., Tondo, Manila.
Tumungo naman ang ama ng driver na si Aladin Mustapha sa Talitay Municipal Police Station at iprinisenta nito ang mga dokumento na binili nila ang nasabing motor sa isang Asrap Naim ng Barangay Labu-Labu, Shariff Aguak, Maguindanao.
Dahil dito, nagpapatuloy pa ang imbestigasyon sa nangyari bago tuluyang sampahan ng kaso ang driver at ang seller ng motorsiklo.