HINIHINALANG PAGDUKOT SA ISANG LGBTQ MEMBER SA CAUAYAN CITY, TINUTUTUKAN NG PULISYA

Cauayan City, Isabela- Patuloy ang pakikipag ugnayan ngayon ng PNP Cauayan sa mga posibleng nakakita sa hinihinalang pagdukot ng mga hindi pa nakikilalang salarin sa isang 16 anyos na miyembro ng LGBTQ sa Lungsod ng Cauayan.

Matatandaan noong gabi ng ika-24 ng Pebrero 2022 ay napaulat sa may Albano Street ng Brgy. District 3 na pwersahan umanong isinakay sa isang itim na Monterro Sport na walang plaka ang biktimang si Eljay Bautista na residente ng Barangay Marabulig 1, Cauayan City.

Sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PLT Scarlette Topinio, tagapagsalita ng PNP Cauayan, matapos matanggap ang insidente ay agad na nagsagawa ng follow up investigation ang kapulisan na kung saan ay nag request ang mga ito ng kuhang CCTV Footages sa lugar subalit walang nakuha ang mga imbestigador dahil kasalukuyan pa umanong inaayos ang mga nakakabit na CCTV Cam sa naturang lugar.

Ayon pa sa tagapagsalita ng nasabing pulisya, base sa kanilang nakalap na impormasyon ay hinihinala umanong nasasangkot sa mga nakawan ang biktima.

Kaugnay nito, nanawagan si PLT Topinio sa mga nakakita sa naturang insidente na makipagtulungan sa pulisya para mas mapabilis pa ang kanilang isinasagawang pagsisiyasat.

Wala rin umanong natukoy na kasama ni Eljay nang syay maisakay sa naturang sasakyan pero aalamin at kakausapin pa rin ng pulisya ang mga kaibigan o barkada ng naturang biktima para malaman kung mayroon itong nabanggit sa kanila kung saan ito pupunta sa araw na iyon o di kayay kung kanino siya makikipagkita.

Nagpaalala naman si Plt Topinio sa mga Cauayenyo lalo na sa mga kabataan na huwag lumakad sa alanganing oras at impormahan din ang mga magulang o kaibigan kung sakaling may mga pupuntahan nang sa ganon ay malaman din nila kung kanino makikipag ugnayan kung sakaling may mangyaring hindi inaasahan.

Samantala, nananawagan din sa publiko ang ina ng biktima na si Ginang Janice Marcelo lalo na sa mga hinihinalang dumukot sa anak na ibalik na sa kanya ng maayos at buhay ang nawawalang anak.

, Janice Marcelo

Facebook Comments