Hinimok ni Baguio Bishop Victor Bendico ang mga mambabatas na lumikha ng batas na nagbabawal sa pagsasalita ng bastos at pagmumura lalo na sa pampublikong mga lugar.
Ayon kay Bishop Bendico mahalagang mapalakas ang ganitong uri ng batas upang matutuhan ng mga kabataan ang paggamit ng mga angkop na salita na hindi nakakasakit sa kapwa tulad ng pagmumura.
Ang pahayag ng Obispo ay kaugnay sa pagpapatupad ng Ordinansa sa Baguio City na Anti-Profanity Ordinance, na nagbabawal sa pagsasalita ng mga bastos na salita at pagmumura sa mga piling institusyon at lugar na madalas pinupuntahan ng mga kabataan.
Iginiit ni Bishop Bendico, bukod sa nasabing ordinansa mahalaga masimulan sa mga tahanan ang pagtuturo sa mga kabataan ng kabutihang asal na nararapat pangunahan ng mga magulang ang paglalahad ng mga magagandang salita at hindi ang pagmumura.
Paliwanag ng Obispo sa ganitong pamamaraan ay mahubog ang kabataan tungo sa mabuting asal lalo na at may ilang matataas na opisyal ng pamahalaan ang hayagang nagmumura sa publiko na napapanood at naririnig ng mga kabataan.