Manila, Philippines – Hinikayat ni Isabela Representative Rodito Albano III si Pangulong Rodrigo Duterte na dagdagan ang mga military engineering brigades sa bansa na maaaring gamitin tuwing may kalamidad.
Paliwanag ni Albano, maaaring i-tap ang mga military engineering brigades para sa disaster response, rescue at rehabilitation para sa mga komunidad na nasalanta ng bagyo, lindol, landslides o anumang uri ng kalamidad.
Hiniling ng kongresista na magtalaga ng kahit isang military engineering brigade sa bawat rehiyon sa Pilipinas na kumpleto sa kagamitan para mabilis na maisagawa ang kanilang disaster response mission.
Hinimok din ni Albano ang Department of National Defense (DND) at Armed Forces of the Philippines (AFP) na i-modernisa ang kasalukuyang limang engineering units.
Sinabi ni Albano na dapat isama sa modernization ang mga bagong road repair at construction equipment para sa mabilis na pagtatanggal ng mga bumagsak na puno, poste ng kuryente at ibang debris sa mga daan.
Makakatulong aniya ang mga bagong kagamitan para sa mabilis na paghahatid at pamamahagi ng tulong para sa mga biktima ng kalamidad.