Manila, Philippines – Iginiit ni Committee on Agriculture Chairperson
Senator Cynthia Villar sa pamunuan ng National Food Authority (NFA) na
lumabas sa kanilang mga tanggapan para puntahan at bilhan ng bigas ang mga
local rice farmer sa iba’t-ibang lalawigan.
Sabi ni Senator Villar, ito ang dapat gawin ng NFA para masolusyunan ang
kawalan ng suplay ng NFA rice sa merkado.
Hindi naniniwala si Senator Villar sa katwiran ni NFA Administrator Jason
Aquino na aangkat na lang sila ng bigas dahil ayaw magbenta ng mga
magsasaka sa gobyerno sapagkat mas mataas ang benta nila sa mga commercial
rice traders.
Ayon kay Villar, hindi naman naghahanap ng mabibilhan ng bigas o palay ang
NFA kahit may isang kongresista na ang nagsabi na mura ang palay sa Mindoro.
Ipinaliwanag pa ni Villar na kapag nagsimula na ang tariffication ay
mawawala na ang mandato ng NFA na mag-import dahil matatanggal na rin ang
paghihigpit sa pag-angkat ng bigas.
Sa ilalim aniya ng tariffication regime, ay pwede nang mag-angkat ng bigas
ang kahit sino na handang magbayad ng taripa o buwis.
Samantala, binanggit din ni Villar na tumugon na ang Bureau of Customs sa
mungkahi na i-donate para ipantapal sa NFA rice shortage ang nasabat nitong
100,000 sako ng smuggled rice.