Manila, Philippines – Hinikayat ni House Speaker Pantaleon Alvarez ang pamahalaan na magsagawa na ng information campaign drive tungkol sa Federalism.
Ito ay matapos lumabas sa Pulse Asia Survey na 71% ng mga Pilipino ang kakaunti o talagang walang kaalaman tungkol sa isinusulong na pag-amyenda sa Konstitusyon at 64% ng mga Pilipino ang ayaw sa Federalismo.
Ayon kay Alvarez, dahil sa resulta ng survey, dapat na paigtingin ang information drive sa buong bansa at hikayatin ang mga Pilipino na amyendahan na ang tatlong dekada ng Konstitusyon upang makasabay na sa pagbabago ng panahon.
Dapat aniyang mabigyang kaalaman ang mga Pilipino tungkol sa benepisyo na maihahatid ng Federalism kung ikukumpara sa unitary form ng gobyerno.
Aminado naman si Alvarez na bagamat may mga konsultasyon na ginawa ang Kongreso para sa Federalism, malaking hamon naman sa kanila kung paano maipapaabot ang Federalismo hanggang sa grassroots level o sa mga pinakamahihirap na Pilipino sa bansa.
Pinuna pa ni Alvarez na para patas ang survey ay dapat nagkaroon din ng tanong tungkol sa awareness ng mga tao sa kasalukuyang uri ng gobyerno na unitary system.