HINILING | Constitutional group, humiling na ideklarang iligal at unconstitutional ang BOL

Manila, Philippines – Hiniling sa Supreme Court (SC) ng grupong Philconsa o Philippine Constitutional Association na ideklarang iligal at unconstitutional ang Bangsamoro Organic Law (BOL).

Ayon sa Philconsa, nakagawa ng grave abuse of discretion ang dalawang kapulungan ng Kongreso sa pagpasa sa BOL.

Sa mahigit 30 pahinang petisyon, ipinapatigil din ng Philconsa sa Supreme Court (SC) ang implementasyon ng RA 11054 o BOL at ipawalang-bisa ang nasabing batas.


Sa ilalim ng batas, mula sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) ito ay magiging Bangsamoro Autonomous Regions (BAR).

Partikular na nilabag anila ng BOL ang nakasaad sa Section 18 at 19 ng Article 10 ng 1987 Constitution na isang Organic Act lamang ang dapat isabatas para itatag ang Autonomous Region sa Muslim Mindanao.

Nalabag din anila ang doktrina ng separation of powers sa Saligang Batas sa pagtatag ng parliamentary form ng pamahalaan sa BAR.

Katwiran pa ng Philconsa, tanging ang ARMM at ang Cordilleras ang nilikha ng Konstitusyon kaya ito lamang ang mga autonomous regions na kinikilala ng Saligang Batas.

Tinukoy na respondents sa petisyon sina Executive Secretary Salvador Medialdea, mga miyembro ng Senado at Kamara na pinamumunuan nina Senate President Vicente Sotto at House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo.

Facebook Comments