Hinikayat ni Good Government and Public Accountability Chairman Johnny Pimentel ang Armed Forces of the Philippines at ang Philippine National Police na ayusin ang kanilang ‘Interoperability Force’ o iyong abilidad ng pwersa o mga kagamitan ng militar at mga pulis.
Ang suhestyon ng mambabatas ay kasunod ng misencounter ng tropa ng militar at pulis sa Samar na ikinasawi ng anim na police officers.
Nanawagan si Pimentel sa AFP at PNP na magsagawa ng interoperability conference upang pagusapan ang mga dapat ayusin at koordinasyon sa ground sakaling may mga operasyon.
Mahalaga aniya na alam ng bawat tropa ang nangyayari lalo na kung mataon na sabay na nag-o-operate sa iisang lugar ang AFP at PNP para epektibong magawa ang opensiba at ligtas din ang mga ito.
Sa ganitong paraan aniya ay maiiwasan ang friendly fire sa pagitan ng pulis at militar lalo na sa mga lugar na palagi at hindi lamang iisa ang gumagawa ng opensiba.
Dagdag pa ng mambabatas, ang ‘Improved Force Interoperability’ sa ground ay makakatulong din sa police at military units para sa reinforcement sakaling kailanganin ng tulong ng bawat isa.