Manila, Philippines – Hiniling sa Korte Suprema ng opposition senators na ideklarang ‘invalid’ o ‘ineffective’ ang withdrawal ng Pilipinas sa International Criminal Court (ICC).
Ayon kina opposition senators Franklin Drilon, Antonio Trillanes IV, Riza Hontiveros, Leila de Lima, Bam Aquino at Francis Pangilinan, invalid ang nasabing hakbang dahil wala itong basbas ng Senado o Senate concurrence na 2/3 vote.
Anila, ang pag-withdraw ng Pilipinas sa Rome Statute ay hindi makatuwiran sa ilalim ng ‘residual powers’ ng Pangulo.
Ayon pa sa petitioners, pagmamalabis ang ginawa ng Executive Department nang lumiham ito sa pamamagitan ng Department of Foreign Affairs (DFA) Office of the President kay United Nations Secretary General Antonio Guterres para ipaalam ang desisyon ng Pilipinas.
Iginiit pa ng opposition Senators na walang kapangyarihan ang ehekutibo na magpawalang-bisa ng batas dahil ang mandato lamang nito ay magpatupad ng batas.
Hiniling din ng opposition Senators sa Korte Suprema na atasan ang Executive Department sa pamamagitan ng DFA at Philippine Permanent Mission to the United Nations na kanselahin ang pagkalas ng Pilipinas sa ICC.
Nag-ugat ang pasya ni Pangulong Duterte na kumalas ang Pilipinas sa ICC makaraang ianunsyo ng isa sa mga court prosecutor na umusad na ang imbestigasyon nila sa reklamong ‘crimes against humanity’ na inihain laban sa Pangulo ng kanyang mga kritiko may kaugnayan sa drug war sa Pilipinas.